Dagupan City – Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO) sa Pangasinan sa publiko sa kanilang paglalakbay ngayong Mahal na Araw.

Inaasahang madami ang babyahe ngayon na mga motorista sa iba’t- ibang panig ng bansa dahil sa isang linggong paggunita sa Semana Santa.

Dahil dito, maigting nilang tututukan ang lahat ng lansangan sa buong probinsya kung saan maglalagay sila ng mga public assistance desk para sa kanilang Oplan Ligtas Byahe.

--Ads--

Sa panahong ito ay nagkakaroon ng pagtaas ng mga kaso ng aksidente sa kalsada pati na rin ang road rage sa mga motorista sa bansa dahil sa pag-init ng ulo ng mga drayber dala ng mainit na panahon.

Isa sa mga pangunahing sanhi ng aksidente ay ang pagmamaneho habang lasing, pagod, at may sira ang sasakyan habang sa road rage naman ay kadalasang nagmumula sa hindi pagkakaunawaan na maaaring mauwi sa away at maging sanhi ng krimen.

Ayon kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, na dahil sa nag-viral na insidente ng road rage sa social media ay pinayuhan nito ang mga motorista na manatiling kalmado at makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung sakaling makaranas nito.

Magpapakalat ang kanilang hanay upang tumutok sa posibleng aksidente sa daan sa ilang pangunahing lansangan para gabayan ang mga motorista at mabilis na tumugon sa mga pangangailangan.

Samantala, pinayuhan naman ni Romel Dawaton, Chief ng LTO Dagupan City District Office, ang mga motorista na sundin ang checklist na B.L.O.W.B.A.G.E.T.S. bago magmaneho.

Ito ay acronym na kumakatawan sa mga mahahalagang bahagi ng sasakyan na dapat suriin gaya ng Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air o pressure ng gulong, Gas, Engine, Tires, at Self kung saan dapat nasa maayos na kalagayan para hindi mauwi sa road rage.

Nanawagan din siya na sundin ang mga batas trapiko, maging mapagpasensya, at tiyaking rehistrado ang sasakyan at may lisensya ang driver.

Magkakaroon ng pinagsamang operasyon ang PNP at LTO kasama ang iba pang sektor upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari para sa paggunita ng isang linggong kaganapan lalo na sa mga dinarayong destinasyon sa lalawigan.