DAGUPAN CITY- ‎Nakahanda na ang Aguilar Municipal Police Station sa pagbabantay ng halalan ngayong 2025 midterm elections, kasabay ng pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa buong bayan.

Ayon kay Police Major Mark Ryan Taminaya, hepe ng Aguilar PNP, nasa kabuuang 18 voting precincts ang kanilang babantayan sa mismong araw ng botohan.

Tiniyak niyang may sapat na puwersa mula sa kanilang hanay para tiyaking ligtas, maayos, at tahimik ang halalan sa bayan.

Bahagi rin ng seguridad ang pagpapatupad ng Comelec checkpoints.

Sa kasalukuyang operasyon, nakapagtala na ang Aguilar PNP ng isang kaso ng paglabag sa Comelec gun ban.
Isang baril ang nakumpiska sa isinagawang search warrant operation, na nag-ugat sa impormasyon ukol sa ilegal na pagdadala ng armas sa isang barangay sa bayan.

Nilinaw ni Taminaya na kahit nasa ilalim ng yellow category ang Aguilar, bunsod ng isang election-related incident noong Barangay at SK Elections, ay nananatiling payapa ang sitwasyon sa kasalukuyan.

--Ads--

Walang naitatalang bagong insidente kaugnay sa halalan, at umaasa silang mananatiling ganito ang sitwasyon hanggang matapos ang botohan.

Samantala, ipinatupad na rin kaninang alas-dose uno ng madaling araw ang nationwide liquor ban.

Ipinagbabawal ang pagbili, pagbenta, at pag-inom ng alak hanggang matapos ang halalan para maiwasan ang anumang kaguluhan o insidente na maaaring idulot nito.

Paalala ni PMaj Taminaya sa mga residente: sumunod sa batas, iwasan ang mga ipinagbabawal, at makiisa sa layuning mapanatiling tahimik at ligtas ang halalan sa Aguilar.