BOMBO RADYO DAGUPAN — Patung-patong na kaso ang isinampa ng isang grupo ng seafarers sa Maritime Industry Authority (MARINA).
Ito ay matapos mabigo ang ahensya na ipataw ang memorandum circular na nag-aatas na gawing pagmamay-ari ng Pilipinas at pagretiruhin ang mga tripulanteng Tsino na pinahintulutan nilang pumasok sa bansa at maghukay sa Manila Bay mahigit dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Nelson Ramirez, Chairman Emeritus ng United Filipino Seafarers, sinabi nito na sinampahan nila ang MARINA ng grave abuse of authority, grave misconduct, at plunder.
Maliban dito ay may karagdagan pa silang mga reklamo na isinampa laban sa ahensya, ngunit pawang binalewala lamang aniya ito ng MARINA.
Aniya na kaya kinasuhan ng kanilang grupo ang ahensya ng pandarambong dahil sa kakulangan nito ng karampatang aksyon upang patawan ng karampatang kaparusahan at multa ang mga tripulanteng Tsino sa Manila Bay.
Dahil dito aniya ay maraming mga Pilipino ang nawalan ng trabaho sapagkat sa halip na sila ang makinabang sa mga yaman ng bansa ay pinahintulutan lamang ang mga Tsino na mamalagi sa Pilipinas ng hindi nagbabayad ng buwis.
Saad nito na napakalaking halaga ang nawala sa pamahalaan ng bansa dahil hindi lamang hindi pinagmulta, subalit binigyan pa ng mga kinauukulan ng indefinite extension ang mga Tsino sa bansa.