DAGUPAN CITY — “Hindi napapanahon.”

Ganito isinalarawan ni John Milton Lozande, Secretary General ng National Federation of Sugar Workers, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa plano ng gobyerno na mag-angkat ng 65,000 metric tons ng asukal sa bansa.

--Ads--

Ani Lozande na mariing nilang tinututulan ang hakbang na ito ng pamahalaan sapagkat nagpapatuloy sa ngayon ang isinasagawang fifth milling ng industriya ng asukal sa Pilipinas.

Dagdag pa niya na ipinagtataka at hindi maintindihan ng kanilang hanay kung bakit nakita ng gobyerno ang pangagailangan at muling pagsabuhay sa usapin ng pagaangkat ng nasabing produkto dahil lamang umano sa nararanasang inflation rate sa bansa na umabot naman sa 13% nitong buwan ng Disyembre.

Maliban dito ay binigyang-diin pa ni Lozande na walang magiging epekto ang planong pag-angkat ng mahigit 60,000 metrikong tonelada ng asukal at iba pang sugar-based products sa krisis sa ekonomiya.

Bagkus, mas mainam pa umano kung tutulungan ng gobyerno at magkakaroon ng interbensyon ang pamahalaan sa sektor ng agrikultura at pagsasaka sa Pilipinas, partikular na ang pagpapababa sa production cost, gaya na lamang ng produktong petrolyo at mga fertilizer o pataba. Kung saan sinaad ni Lozande na higit pa sa doble ang itinaas ng mga produktong petrolyo habang tumaas din ang presyo ng mga fertilizer o pataba ng 250% na ngayon ay mabibili na sa halagang P3000/kilo kumpara sa dating presyo nito na naglalaro lamang sa pagitan ng P800-P900/kilo.

Ito naman aniya ay nagreresulta sa pagbabawas ng fertilizer input ng mga sugar planters, lalong lalo na ang maliliit na sugar producers at agrarian reform beneficiaries na kinabibilangan ng higit pa sa 80% ng higit 62,000 na mga sugar producers sa bansa.

Saad pa ni Lozande na bagamat kumikilos naman ang mga kawani ng mga kinauukulang ahensya ay patuloy pa rin ang panawagan ng kanilang hanay na sana ay masibak na sa pwesto ang kurakot na opisyal sa loob ng Department of Agriculture na hanggang ngayon aniya ay wala namang naitutulong at hindi pa natutugunan ng kasalukuyang administrasyon.

TINIG NI JOHN MILTON LOZANDE

Kaugnay nito ay idiniin din ni Lozande na kung napagpasyahan nang mabuti ng gobyerno ang naturang plano, ay mas mainam na lamang kung hihintayin nila ang buwan ng Marso o Abril kung saan ay makikita ang approximate production output sa milling year 2022 bago mag-desisyon kung kinakailangan ba talaga na mag-angkat ng mahigit 60,000 metric tons na asukal sa bansa.

Sapagkat ang magiging epekto nito aniya sa mga sugar planters ay maaaring hindi na nila mahahabol ang kanilang cost of production dahil sa napakataas na presyo ng gasolina at fertilizer.