Dagupan City – Nakasisigurong nasa maayos na kalagayan ang dating pangulong si Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cerra – Constitutional Lawyer, mayroon kasing mga competent doctors na nagbabantay sa kaniya at sa katunayan ay dinala pa ang dating pangulo sa isang kilinika para sa kaniyang kalusugan.
Kung titingnan din aniya, malaya ang dating pangulo na ipahayag ang kaniyang kalagayan sa publiko kahit pa nasa loob ito ng isang detention facility.
Sa kasalukuyan naman, wala pang natatanggap na request ang International Criminal Court (ICC) sa kampo ni Duterte hinggil sa umano’y house arrest. At nanantili naman aniyang bukas ang mga ito sa anumang request ng dating pangulo.
Hinggil naman sa nais ni Presidential sister Sen. Imee Marcos na paimbistigahan ang ginawang pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi naman aniya malinaw kung ano nga ba ang motibo at nais mangyari nito.
Dahil kung aanalisahin ani Cera, malaki ang posibildiad na mag-backlash sa kaniya ang paratang gayong kapatid nito o sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nangyari ang pagkakaaresto.
Kung mangyari naman ang layunin ni Imee namagpatawag ng senate investigation, unang-unang ipapatawag rito ay si Police Maj. Gen. Nicolas D. Torre III.
Hinggil naman sa hinaing ng kaniyang mga taga-suporta na kilalang mga Diehard Duterte Supporters (DDS) na hindi ang dating pangulo ang gumawa ng krimen, makikita aniya sa dokumento na siya ang principal author ng laban kontra ilegal na droga sa kaniyang administrasyon at base na rin sa kaniyang mga statements sa senado ay may mga pag-amin din ito, na isa siya sa gumawa. At sa ilalim ng batas, pareho aniya ang pananagutan ng nag-utos at ng gumawa.
Sa kabila ng bangayan at paghahayag ng damdamin hinggil sa usapin sa social media man o sa personal, umaasa naman si Cera na manatili ang kapayapaan sa bawa’t isa gayong malaki ang epekto nito sa relasyon ng bawa’t indibidwal.