Ibinahagi ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Dagupan ang kanilang plano para sa daloy ng trapiko sa gaganaping Christmas Lighting Ceremony sa Biyernes, Disyembre 6.

Ayon kay Rexon De Vera, Deputy Chief ng POSO, inaasahang maraming tao ang dadalo sa pag-iilaw ng Christmas tree at lights sa ilang parte ng lungsod.

Dahil dito, inaasahan ang pagsikip at pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na ang oras ng programa ay rush hour.

--Ads--

Aniya na, mananatiling bukas ang Quintos Bridge sa mga motorista dahil gaganapin naman ang programa sa harapan ng Museum sa City Plaza.

Dagdag nito na posibleng magpatupad sila ng pansamantalang pagsara sa daan patungo sa venue depende sa dami ng tao at sasakyan ngunit kung kakaunti lamang ay magpapatupad na lamang sila ng half-lane na deritso dito.

Kaugnay nito, kung maisasara ang daan patungo sa City Plaza, ang Rizal St. ang magiging diversion road.

Habang maaari rin aniya dumaan sa Arellano patungo Devenicia Road at Pantal Nable Road ang mga galing sa eastern part na patungong Lucao.

Binigyang-diin ni De Vera na may mga pagbabago sa mga maaaring daanan ngayong taon kumpara noong nakaraang taon dahil sa mga isinasagawang konstruksiyon ng kalsada, tulad ng sa Herrero-Perez.

Siniguro rin niya na kung magsasara man sila ng kalsada malapit na venue at pansamantala lamang dahil agad itong bubuksan pagkatapos ng programa.

Sa kabilang banda, Ililipat na sa mga barangay ang paseo de Belen sa lungsod ng Dagupan.

Ayon ito kay Mayor Belen T. Fernandez dahil nais nito na maramdaman ng lahat ng residente ang diwa ng Pasko sa kani-kanilang barangay.

Ang paglipat nito sa mga barangay ay dahil sa mga nagdaang bagyo at sama ng panahon sapagkat mahirap ma-maintain ang mga ito sa iisang lokasyon at may posibilidad na masira.

Samantala, ang budget na maiipon mula sa paglipat ng paseo de Belen ay ilalaan naman para sa Noche Buena de Belen, kung saan bibigyan ng pagkain ang mga mamamayan ngayong Pasko.