Dagupan City – Ibinahagi ng Waste Management Division sa Dagupan City ang magiging plano ng lokal na pamahalaan sa Bonuan dumpsite upang matugunan ang 60 years nang krisis ng basura sa Dagupan.

Ayon kay Bernard Cabison, ang pinuno ng nasabing tanggapan na layunin aniya ng alkalde na malinisan ang boardwalk at gawing eco-tourism site ang lugar dahil sa lapit nito sa Tondaligan beach.

Upang mapabilis ang paglilinis, nabili na ng lungsod ang apat na karagdagang dump truck na natagalan dahil sa mga humarang sa proyekto kung saan isa ito sa magpapataas sa kabuuang bilang ng mga dump truck sa anim.

--Ads--

Inaasahan na ang mga basura ay dadalhin sa Holcim at Metro-waste kung saan makakapaghatid na ang bawat truck ng 30 tonelada ng basura kada araw na kung saan 12-16 tonelada kada biyahe na magiging dalawang biyahe kada araw ang mga truck

Samantala, gagawin na lamang ang Bonuan dumpsite bilang temporary transfer station para sa mga barangay na walang sariling dump truck.

Dito rin gagawin ang pagproseso ng mga materyales na maaaring ibenta sa Holcim, paghihiwalay ng mga babasahing materyales, at paggawa ng organic fertilizer.

Inaasahan din ang pagdating ng glass pulverizer para sa pagtunaw ng mga babasaging materyales at paghahalo nito sa buhangin para sa paggawa ng hollow blocks.

Samantala, patuloy naman ang programa ng lungsod na “Goodbye Basura,” na nanawagan sa lahat ng barangay na makiisa sa pag-ayos ng sistema ng basurahan upang tuluyang masolusyunan ang matagal nang problema sa basura.