DAGUPAN CITY- Dalawang katao ang naging biktima sa nangyaring pagbagsak ng isang ultralight aircraft sa kalagitnaan ng palayan sa Brgy. Panalicsican sa Concepcion, Tarlac.

Ayon kay Chester Paul Cunanan, Operations Officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa nasabing lugar, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, agad silang rumesponde sa insidente matapos nila itong maberipika.

Aniya, naging pahirapan pa ang kanilang dinaanan bago makarating sa pinangyarihan subalit, naging madali naman ang pagrescue ng mga biktima dahil umaksyon din agad ang mga residente para mai-alis ang mga ito mula sa eroplano.

--Ads--

Agad naman dinala sa Conception District Hospital ang dalawang biktima at kalaunan ay dineklarang ‘dead on arrival’.

Base sa mga residente, napansin nila ang biglaang pag-landing ng eroplano sa kalapit palayan.

Samantala, pinabulaanan ni Cunanan ang kumakalat na Korean nationals ang mga biktima at aniya, mga kabataang Pilipino ang mga biktima; isang 19 anyos na lalaki at 18 anyos naman na babae.

Hindi pa nila isinapubliko ang kabuoang pagkakakilanlan ng mga ito dahil hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon.

Gayunpaman, napag-alaman nila na mula sa Magalang, Tarlac ang eroplano.

Nagpaalala naman si Cunanan sa publiko na iwasan galawin ang mga biktima o lumapit sa insidente sa dahil panganib na dulot nito.