DAGUPAN CITY- Isang planadong pag-atake ang isinagawa ng Israel sa Yemen kung saan ay ikinasawi ni Prime Minister Ahmad Ghaleb al-Rahwi ng Houthi Government dahil sa kanilang natanggap na tuloy-tuloy na pag-atake.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa Israel, objective ng Israel ang direktang pag-atake sa mga kalaban, partikular na sa lider umano ng mga terorista.
Aniya, ito ay dahil na rin sa tuloy-tuloy na pagsalo ng Israel sa pag-atake ng Yemen at pasasalamat na lamang nila na matinding depensa ang Iron Dome.
Bagaman kumpirmado ang pagkasawi ni al-Rahwi, hindi pa kumpirmado kung sino-sino ang kasama nito nang mangyari ang pag-atake.
Alerto naman ang Israel sa posibleng papalit sa pwesto ni al-Rahwi dahil marami ang maaaring panggalingan nito.
Gayundin sa pagsiklab ng malaking gyera dahil sa nangyari.
Samantala, sinabi ni Kabayan na hindi naman talaga nais ng Israel na lumala pa ang kaguluhan at gusto lamang nila ang pagpapalaya ng mga bihag.
Kapayapaan man ang nais makamtan ng Israel subalit hindi naman aniya maiwasan ang pag-atake ng mga kumakalabang bansa.
Sa kabilang dako, inanunsyo ni Israeli Defense Minister Israel Katz, kahapon, na namatay na rin si Abu Obeida, Spokersperson ng Qassam Brigades ng Hamas, nitong weekend sa Gaza.
Aniya, nasawi ito sa pag-atake ng Israel subalit hindi tiyak kung napaslang ito.