BOMBO DAGUPAN — Mariing na kinokondena ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang nakatakdang pagtatapos ng Public Utility Vehicles Modernization Program sa katapusan ng buwan ng Abril at pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wala na muling extension para rito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Mody Floranda, National President ng nasabing samahan, na kitang-kita umano na hindi masusing pinagaralan ng Punong Ehekutibo ang PUV Modernization Program at ang epekto nito sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Aniya na kung hindi kasi pahihintulutan ng Pangulo ang mga traditional jeepney na makabyahe sa kakalsadahan ay magiging malaki ang epekto nito hindi lamang sa mga drayber at operator subalit gayon na rin sa mga komyuter at ekonomiya ng bansa.
Saad nito na hindi naman nila mawari kung bakit ang pinagiinitan ng pamahalaan ay ang public transport kung sa tutuusin aniya ay napakaliit lamang ng porysento ng jeepneys sa bansa kumpara sa mga milyun-milyong bilang ng mga pribadong sasakyan na mas nagdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga kakalsadahan.
Pagdidiin pa nito na hindi kaaway ng estado ang public transport at sa halip ay sila pa ang katuwang ng gobyerno sa pagpapalago ng ekonomiya sa bansa.
Samantala, nananatili naman silang nakaatabay sa magiging desisyon ng Korte Suprema sa mga itinaas nilang petisyon laban sa consolidation program at gayon na rin ang apat na House Resolutions sa nakaraang mga pagdinig hinggil sa nasabing usapin.