DAGUPAN CITY- Ipinagpatuloy ng pamahalaang lokal ng Bayambang at ng Pistay Baley 2026 committee ang pagdiriwang ng pista sa kabila ng panawagan na magtipid sa konsumo ng enerhiya, kasunod ng paglilinaw na walang direktiba mula sa Malacañang o DILG na kanselahin ang mga lokal na kapistahan.

Ayon kay Dr. Rafael L. Saygo, Supervising Tourism Officer, pinag-usapan ng mga opisyal at ng organizing committee ang mga hakbang upang maiangkop ang selebrasyon, kung saan napagdesisyunan na hindi ito kanselahin kundi bawasan at limitahan lamanng ang ilang programa.

Sa halip na magarbong selebrasyon na kinagisnan ng Bayambang, partikular ang malalaking konsiyerto at street dancing, pinili ng mga organizer na ituon ang pista sa mas makabuluhang aktibidad na direktang makatutulong sa mga residente.

--Ads--

Binigyang-diin ni Saygo na kung tuluyang kakanselahin ang pista, maraming maliliit na negosyante o MSMEs ang maaapektuhan, kaya’t masusing tinimbang ang desisyon upang mapanatili ang kabuhayan at sigla ng lokal na ekonomiya.

Dagdag pa niya na isinasaalang-alang din ang aspeto ng mental health ng mamamayan sa gitna ng iba’t ibang isyung kinahaharap ng bansa, kaya’t pinanatili ang pista bilang mahalagang bahagi ng kultura at pagkakakilanlan ng komunidad.

Samantala, kabilang sa mga tampok na aktibidad ang isang fundraising event na ukay-for-a-cause na gaganapin mula Marso 31 hanggang Abril 1, kung saan ang malilikom ay ilalaan sa mga proyektong pangkomunidad.

Marami rin ang nagbigay ng kanilang suporta na magtulungan para sa pagbibugay 35 bahay kubo sa mga pamilyang nangangailagan.

Ikinatuwa naman nila ang malawak na suporta hindi lamang mula sa mga residente kundi maging sa mga mula sa karatig-bayan at lalawigan at magaan na tinanggap ng publiko ang mga pagbabagong ito.