Muling bumulusok ang halaga ng piso matapos magsara ngayong Biyernes, Marso 27, 2026 sa P60.55 kada dolyar, ang pinakamahina nitong antas sa kasaysayan.
Nalampasan nito ang dating rekord na P60.30 kada dolyar na naitala noong Marso 23.
Ayon sa mga financial monitoring firms, ang patuloy na paghina ng piso ay dulot ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kasabay ng tensyon sa Middle East at kawalan ng katiyakan sa supply chain.
Dagdag pa rito, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang presyo ng mga bilihin lumulobo na rin, at inaasahang tataas pa kung magpapatuloy ang krisis sa enerhiya.
Ang sitwasyong ito ay nagpapakita ng matinding hamon sa ekonomiya ng bansa, kung saan ang mahina at pabagsak na piso ay lalo pang nagpapabigat sa gastusin ng mga mamimili at negosyo.










