DAGUPAN CITY- Umabot sa higit P300 million ang kabuoang pinsala na iniwan ng Super Typhoon Uwan sa mga mango growers sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mario Garcia, Presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, inaasahan na nilang aanihin ang mga ito, partikular na sa Central Pangasinan hanggang Easter-Western Pangasinan, ngunit dumating naman ang malakas na bagyo.
Aniya, karamihan sa kanilang mga punong mangga ay natumba at 10% lamang ng mga aanihing bunga ang natira sa kanila.
Sinubukan pang ibenta ang mga napinsalang bunga sa mababang presyo at ang iba naman ay hinayaan na lamang.
Sa kasalukuyan, tinutuluyan nang pinuputol ang mga natumbang puno at ginagawa na lamang na uling.
Inaasahan na nilang magiging matagal ang kanilang recovery dahil matagal din ang paglaki ng naturang puno.
Ani Garcia, malaki ang epekto nito sa industriya ng pag mamangga dahil ang lalawigan ang malaking supplier ng mangga sa bansa.
Saad pa niya, asahang tataas ang presyo ng mga mangga sa merkado dahil ‘under supply’ na ito.
Samantala, nabanggit na nila ito sa kanilang Local Government Units (LGUs) at pinapamahagian na sila ng mga mango inducer at vertilizer.
Patuloy naman ang kanilang pag-spray sa mga natirang puno upang manatiling nagkakaroon ng supply.










