DAGUPAN CITY- Umabot sa P3,863,790 ang pinsala sa agrikiltura sa bayan ng Jacinto ang iniwan ng Super Typhoon Pepito.

Ayon kay Rosalie Ellasu, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Officer sa nasabing bayan, labis ang panghihinayang ng mga magsasaka matapos mapinsala ang kanilang pananim dahil sa pagtaas ng tubig na siyang nagresulta sa pagkasira ng mga drainage system.

Dahil dito, hindi naging maayos ang daloy ng tubig, kaya’t lumubog ang ilang sakahan.

--Ads--

Bukod dito, may mga sakahan ding natabunan ng lupa at bato, kaya’t marami sa mga residente ang nagtulungan upang linisin at ayusin ang mga apektadong taniman.

Sa ngayon, unti-unti nang bumabangon ang mga magsasaka. Muli silang nagtakda ng mga pagtatanim gamit ang mga binhi na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan at munting tulong mula sa mga residente.

Patuloy naman ang isinasagawang assessment ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala sa mga imprastruktura ng bayan. Ang mga hakbang na ito ay naglalayong mapabilis ang muling pagbangon ng komunidad mula sa epekto ng bagyo.

Panawagan naman ni Ellasus sa mga residente lalo na ang mga apektadong lugar na magtulungan sa muling pagbangon ng agrikultura sa bayan matapos ang pananalasa ng bagyo sa lugar.