Umabot na sa P64 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng pangisdaan sa buong Region 1 dahil sa magkakasunod na sama ng panahon at patuloy na pag-ulan. Kabilang sa mga napinsala ang mga fish cage at fish pen, mga bangka, at iba pang imprastrakturang ginagamit ng mga mangingisda.
Ayon kay BFAR Region 1 Director Remely Lachica, nagpapatuloy ang monitoring ng ahensya sa kalagayan ng mga mangingisda sa rehiyon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan. Layunin nitong matukoy ang lawak ng pinsala at makakuha ng updated na datos mula sa mga lugar na naapektuhan ng sama ng panahon.
Patuloy rin umanong nahaharap sa hamon ang mga mangingisda dahil sa hindi nila paglalayag bunsod ng masamang panahon at umiiral na closed fishing season sa ilang lugar. Dahil dito, tinutukoy ng BFAR at mga LGU ang mga mangingisdang nangangailangan ng agarang tulong at iba pang suporta.
Samantala, inihahanda ng BFAR ang relief assistance para sa mga kwalipikadong mangingisdang naapektuhan ng sama ng panahon. Isinasagawa na ang koordinasyon sa mga LGU para sa pagtukoy sa mga benepisyaryo, habang posibleng simulan ngayong weekend ang pamamahagi ng ayuda.










