DAGUPAN CITY- Umabot na umano sa P246,000 ang naitatalang partial damage sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay Shallom Balolong, Municipal Disaster Risk Management (MDRRM) Officer sa nasabing bayan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kabilang na dito ang hindi bababa sa 3.45 hectares ng agrikultura at 9 na baranggay ang apektado sa bagyo.
Karamihan sa mga naapektuhan sa agrikultura ay ang mga palayan at inaasahan pa nilang madadagdagan pa ang mga report na matatanggap nila mula sa Municipal Agricultural Office.
Samantala, patuloy pa rin ang monitoring ng kanilang tanggapan sa Villa Verde Road matapos muling makapagtala ng landslide dahil sa nararanasang pag-ulan sa lalawigan.
Aniya, nakapagtala na sila kahapon ng hindi bababa sa 4 na pagguho ng lupa sa bayan simula noong nakaraang linggo.
Agad din nagsasagawa ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways (DPWH) San Nicolas upang mapanatili ang kaligtasan ng mga dumadaan na motorista.
Gayunpaman, bagaman nananatiling ‘passable’ ang kakalsadahan, inaabisuhan nilang dumaan na lamang sa Umingan-Lucao Road ang mga motorista para sa kanilang kaligtasan hanggang sa nakakaranas ng pag-ulan.
Sa kabilang dako, binabantayan din nila ang mga residente na malapit sa mga irrigation canals dahil sa banta ng pagtaas ng lebel ng tubig dahil sa mararanasan pang malalakas na pag-ulan.
Maaari rin kase sa salik na makapagtataas ng lebel ng tubig ay ang mga tubig ulan na mula sa mga bundok.
Ani Balolong, nililibot nila tuwing 2 oras ang mga high risk areas at low lying areas sa kanilang bayan.
Saad pa niya na nakipag-ugnayan na ang kanilang pamahalaan sa mga barangay officials upang maging handa sa maaaring paglikas ng kanilang mga residente kung kinakailangan.