DAGUPAN, CITY— Nakauwi na sa Pilipinas sa tulong ng Bombo Radyo Dagupan ang isang OFW na humingi ng tulong na makabalik sa bansa dahil sa mahirap nitong kinakaharap na sitwasyon sa bansang Saudi Arabia.

Sa pamamagitan ng panawagan ni Bombo International Correspondent Lawrence Valmonte ay wala pang isang buwan ay nakauwi na ng bansa si Sonny Perez na tubong Pangasinan at isang taon nang nakaratay sa higaan nito at hindi makapaghanapbuhay bunsod ng pagkaka-aksidente nito sa mismong trabaho noong Marso, taong 2019.

Dahil sa pagdulog ni Valmonte sa Philippine Overseas Labor Office – Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) ng Riyadh ay nangako ang ang naturang tanggapan na kanilang tututukan ang sitwasyon ng nabanggit na OFW.

--Ads--

Kasunod nito ay agad naman na tumugon ang naturang tanggapan kasama na rin sila POLO Labor Attache Nasser S. Mustafa, Asst. Labor Attache Henry P. Tianero, at ilang mga opisyal ng OWWA.

Ani Valmonte, kasama ni Perez ang 347 na iba pang mga pinoy distressed OFWs na kasalukuyang lulan ng PR 655 na lumapag sa NAIA Airport. 6 ng hapon nakaalis ang eroplano at nakarating sa bansa ng alas 9 ng umaga.

Dagdag pa ni Valmonte, sasailalim din sa swab test si Perez sa Pangasinan Provincial Hospital bago siya dadalhin sa Region 1 Medical Center (R1MC) para sa isasagawang operasyon nito.