Muling nag-aalab ang damdamin ng mga Pinoy fans sa loob at labas ng bansa sa nalalapit na laban ni “Pambansang Kamao” Manny “Pacman” Pacquiao kontra sa batang boksingero na si WBC welterweight champion Mario Barrios mula sa Texas, USA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fely Abarabar Quitevis – Bombo International News Correspondent sa Las Vegas, basta’t si Pacquiao ang nabanggit, siguradong may buzz at inaasahang ito ay mananalo, dala ng kanyang matibay na track record sa loob ng ring.

Ani Quitevis bagama’t may edad na si Manny, kung pagbabasehan ang dating performance at dedikasyon niya sa ensayo, malaki ang tsansang magtagumpay pa rin siya.

--Ads--

Gaganapin naman ang laban sa Las Vegas, kung saan inaasahan ang matinding pustahan, partikular na sa mga casino at sports betting establishments.

Hindi rin magpapahuli ang mga kababayan sa panonood ng laban, kahit na sa pamamagitan lamang ng pay-per-view kung saan doon din siya manonood dahil may kamahalan ang presyo ng ticket.

Samantala, sa parehong lungsod, inaasahang magkakaroon ng isang makasaysayang grand opening ng kauna-unahang Filipino Town sa Amerika sa darating na Oktubre.

Inaasahan ng organizers na magiging bahagi ng selebrasyon ang laban ni Manny Pacquiao na parang double celebration Filipino pride sa laban, at cultural pride sa pagbubukas ng Filipino Town.

Nasa mahigit 200,000 na mga Filipino ang kasalukuyang naninirahan sa Las Vegas, at inaasahan ang matinding suporta mula sa kanila.

Sa ngayaon ay patuloy ang training ni Pacquiao sa loob ng gym para makaiwas sa matinding init sa lungsod.

Bagamat bata pa si Barrios, kung saan 16 taon ang kanilang agwat, naniniwala ang ilan na may lamang si Pacquiao pagdating sa karanasan, disiplina, at determinasyon.