Gumawa na naman ng kasaysayan ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala matapos talunin sa straight sets ang dating world No. 1 at apat na beses na Grand Slam champion na si Naomi Osaka, 6-4, 6-2, sa semifinals ng 2026 WTA 500 Mubadala DC Open .
Sa panalo, nakamit ni Eala ang kauna-unahang puwesto niya sa finals ng isang WTA 500 tournament, patunay ng patuloy niyang pag-angat sa pandaigdigang entablado ng women’s tennis.
Muling ipinakita ng 21-anyos na Filipina ang kanyang husay at tibay ng laro sa harap ng mas batikang kalaban.
Kontrolado ni Eala ang laban mula sa unang set hanggang sa huli upang maitala ang isa na namang malaking panalo laban sa isang dating world No. 1.
Dahil sa tagumpay, haharapin ni Eala sa kampeonato ang top seed na si Jessica Pegula sa hangaring maiuwi ang pinakamalaking titulo sa kanyang propesyonal na karera.
Ang panalo laban kay Osaka ay isa na namang malaking tagumpay sa lumalawak na listahan ng mga prestihiyosong panalo ni Eala laban sa mga pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, na lalo pang nagpapatibay sa kanyang katayuan bilang isa sa mga pinakamahuhusay at pinaka-promising na atleta ng Pilipinas.










