Lubos lubos ang pasasalamat sa Bombo Radyo Dagupan ng isang Pinay na Overseas Filipino Worker mula sa bansang Kuwait dahil sa tulong na nagawa sa kaniya nang tuluyan na itong ma-pull out mula sa kaniyang malupit na employer.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent na si Lawrence Valmonte, kasalukuyan ng nasa embahada ng Kuwait ang OFW na si Jay-Ann Enoc at kasalukuyan ng pinoproseso ang pag-uwi nito sa Pilipinas ngunit sa kasamaang palad ay naiwan pa rin ang kasamahan nito na pinagmamalupitan din ng kanilang amo.
Bagamat hindi pa rin nakakauwi sa kaniyang pamilya sa Zamboanga City ay laking pasasalamat nito dahil sa wakas ay nakalaya na rin siya mula sa pagmamalupit ng kaniyang amo.
Patuloy naman itong nananawagan na tutukan din ang kaso ng kaniyang naiwang kasamahan na si Gena S. Navarro upang gaya niya ay makauwi na rin ito sa kaniyang pamilya.
Ayon kay Valmonte nang makakuha ito ng impormasyon mula sa Migrant Workers Office sa naturang bansa, hindi umano malinaw ang dahilan kung bakit naiwan pa si Navarro ngunit base sa pahayag ni Enoc nang umalis ito sa bahay ng kanilang amo ay pinagmamalupitan ng mga ito si Navarro.
Dahilan aniya nito ay nakipag-ugnayan agad si Valmonte sa kinauukulan upang iparating ang impormasyong ito galing kay Enoc.
Nangako naman aniya ang Labor Assistant ng naturang bansa na umaaasa silang maisunod na ring mai-pull out si Navarro.
Una rito ay emosyonal na dumulog sa Bombo Radyo Dagupan ang nasabing pinay para humingi ng tulong.