DAGUPAN CITY– Mangiyak-ngiyak na ibinahagi ng isang Pinay Nurse sa New Jersey USA ang kaniyang karanasan matapos na magpositibo sa Covid 19 at kasalukuyan pa ring nagpapagaling.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Milagros Springate, tubong Dagupan City at nurse sa isang Nursing Home sa New Jersey USA naging mahirap sakaniya ang pangyayari dahil hindi niya kasama ang mga anak na nakatira sa Dagupan City lalo’t maging ang kaniyang asawa ay nagpositibo rin sa sakit na kasama rin nito sa ospital kung saan siya nagpapagaling ngayon .
Nahawa umano siya sa kaniyang pasyente sa nursing home kung saan matapos ang 2 araw ay nakaranas agad siya ng mga sintomas ng sakit tulad ng mataas na lagnat , pagtatae at iba pa.
Sa kabila umano ng kaniyang nararamdaman ay sinikap niyang kumain ng madami at magpalakas ng katawan.
Posible aniya na manatili pa siya ng mahigit sa isang Linggo sa ospital dahil bagamat umaayos na ang kaniyang kalagayan ay positibo pa rin siya sa sakit.
Nabatid na uuwi sana nang Pilipinas si Springate sa buwan ng Mayo upang dito ipagdiwang ang kaniyang ika-70 taong kaarawan.
Ang New Jersey rin aniya ay nakakapagtala ngayon ng mataas na bilang ng Covid positive case kung saan umaabot na ito sa mahigit sa 500,000.
14,000 naman ang death case habang 200,000 naman ang nakarekober na.