Galit dahil sa ginawang paninira umano ng pinatay na miyembro ng LGBTQIA+ Community sa bayan ng Bolinao Pangasinan ang nag-udyok sa suspek na gumilit sa kaniyang leeg kaya nito nagawa ang krimen.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pol. Major Dennis Cabigat, hepe ng Bolinao PNP na nagalit umano ang isa sa mga suspek sa biktimang si Jestoni “Jessa” Remiendo, waiter sa isang resort sa Brgy Patar na dati umano nitong karelasyon dahil sa ginawa nitong paninira sakaniya sa kasalukuyan nitong kasintahan kaya sila naghiwalay.

Inamin na rin umano ng mga suspek na sina Isagani Dollaga, 17 anyos at Michael Orpano, 18 anyos ang krimen matapos na sumuko ang mga ito sa Pangasinan PNP.

--Ads--

Una rito, mabilis na nagpahayag ng pakondena ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa krimen.

Sa ipinalabas na pahayag ni CHR spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, hinikayat nito ang kapulisan na matiyak na maisisilbi ang hustisya sa mga naiwang kaanak ng biktima. Aniya walang sinuman ang may karapatan na gawin ang ganoong uri ng karumal dumal na krimen.

Matatandaan na natagpuang wala ng buhay ang biktimang si Remiendo sa dalampasigan na ginilitan ng leeg at may sugat pa sa mata .