Mas pinagtibay ang ugnayan ng pamahalaan, paaralan, at komunidad sa isinagawang Crime Prevention and Awareness Symposium sa Mapandan National High School kamakailan.

Layunin ng naturang aktibidad na palalimin ang kaalaman ng mga magulang at guro tungkol sa mga hakbang sa pag-iwas sa krimen, at paigtingin ang kanilang partisipasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa hanay ng kabataan.

Pinangunahan ng Department of Education, Philippine National Police, at Lokal na Pamahalaan ng Mapandan ang symposium, na naging daan upang talakayin ang mga isyung may kaugnayan sa kapakanan ng kabataan, tulad ng droga, cybercrime, at iba pang uri ng karahasan na maaaring makaapekto sa mga mag-aaral.

--Ads--

Dumalo rin si Mayor Karl Christian F. Vega upang magpahayag ng kanyang buong suporta sa programa.

Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga magulang sa paggabay at pagbabantay sa kanilang mga anak upang makaiwas sa disgrasya at maling impluwensiya.

Ang symposium ay isa sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang palakasin ang ugnayan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa kanilang iisang layunin na maging mas ligtas, mas maunlad, at mas responsableng ang nasabing bayan.