DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Mahilig ka ba sa keso?

Kaya mo bang gumastos ng malaki para makakain nito?

Isang Cabrales cheese kasi na inimbak sa loob ng kuweba sa loob ng 10 buwan ang nagtamo ng Guinness World Record bilang pinakamahal na keso matapos maibenta sa halagang $42,232 o humigit-kumulang ₱2.5 milyon.

--Ads--

Ayon sa Guinness World Records, ito ang pinakamahal na kesong naibenta sa isang auction sa kasaysayan.

Bago ito naisalang sa auction, itinanghal muna ang keso bilang “Mejor Queso del Certamen” o “Pinakamahusay na Keso sa Kumpetisyon” ng Regulatory Council ng Cabrales.

Tinatayang 5 pounds ang bigat ng keso, at ito ay gawa mula sa gatas ng baka.

Hinayaang umasim at tumanda ito sa Los Mazos cave, na matatagpuan sa halos 5,000 talampakan taas mula sa antas ng dagat.

Ang Cabrales cheese ay kilala sa buong mundo dahil sa malakas nitong lasa at amoy, at ang proseso ng paggawa nito ay sining na ipinapasa sa maraming henerasyon sa rehiyon ng Asturias.