DAGUPAN CITY– Ikinaalarma ng Provincial Health Office ang pinakahuling naitalang kaso ng sakit na diptheria dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ito ang nabatid mula kay Dra. Ana Marie De Guzman, Provincial Health Office Chief ng lalawigan, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan sa programang Dr. Bombo matapos nitong kumpirmahin na nakapagtala na ng limang kaso ng sakit na diptheria dito sa probinsya.

Aniya, pinakahuli sa mga ito ay naitala sa bayan ng Urbiztondo habang ang iba ay naitala sa Santa Maria, Mapandan at sa mga lungsod ng San Carlos at Alaminos.
Paliwanag ni Dra. De Guzman, bagamat taliwas sa mga naitala sa ibang lugar, buhay naman ang mga naging biktima ng naturang sakit , subalit, nakaka-alarma aniya ang pinakahuling kaso kung saan isang 22 anyos ang biktima.

--Ads--

Kasunod nito ay ipinayo ni Dra. De Guzman ang muling pagpapabakuna ng booster laban sa diptheria para sa mga adulto na.

Ang diptheria ay isang uri ng bacterial infection na naka-aapekto sa mucos membrane ng isang biktima na karaniwang nakaaapekto sa mga bata na maaaring maiwasan at magamot subalit kung hindi maaagapan ay maaaring ikamatay.

Matatandaan na isa ang diptheria sa mga sakit na maaari namang maiwasan sa pamamagitan ng bakuna subait naapektuhan ang paglaban dito dahil sa nabuong takot ng mga magulang upang pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa kontrobersyal na dengue vaccine na Dengvaxia.