Dagupan City – Pinaigting ng Mangaldan Municipal Police Station ang pagsasagawa ng paninita at pagbabantay sa mga motorsiklo at iba pang sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng bayan bilang bahagi ng kampanya laban sa krimen at ilegal na aktibidad.
Ayon sa pulisya, regular na isinasagawa ang mga checkpoint at mobile patrol upang masiguro ang kaayusan sa mga pangunahing lansangan.
Layunin ng operasyon na matiyak na ang mga sasakyang bumibiyahe sa kalsada ay rehistrado at lehitimong pag-aari ng mga nagmamaneho.
Tinututukan din ng awtoridad ang posibleng paggamit ng mga motorsiklo sa pagnanakaw at iba pang uri ng krimen, alinsunod sa umiiral na batas sa trapiko at seguridad.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng kapulisan ang mga motorista na laging dalhin ang kaukulang dokumento tulad ng official receipt at certificate of registration, gayundin ang balidong lisensya sa pagmamaneho.
Ipinapaalala rin ang pagsusuot ng helmet at iba pang protective gear upang mabawasan ang panganib ng malubhang pinsala sakaling maaksidente.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa batas-trapiko at pakikipagtulungan sa mga isinasagawang inspeksyon.
Iginiit ng mga awtoridad na ang naturang operasyon ay bahagi ng pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa komunidad.










