“Mahalaga na malaman kung anong klaseng pang-aabuso ang nararanasan ng isang bata.”
Ito ang binigyang-diin ni France Castro, ang tumatayong ACT Partylist Representative, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa mga alegasyon patungkol sa mga naitatalang pang-aabuso sa mga paaralan.
Saad niya na mahalagang malaman kung ang mga nararanasang pang-aabuso ng mga bata ay nagsisimula sa tahanan o kung nangyayari mismo sa loob ng mga paaralan upang hindi lamang upang kaagad na maibigay ang kinakailangang interbensyon subalit upang mapanagot din kaagad kung sino ang salarin o mga salarin.
Aniya na hindi dapat pinapalampas ang pang-aabuso sa isang bata kung ito man ay sexual abuse, verbal abuse, emotional abuse, o pisikal na pang-aabuso, at gayon na rin ang paglabag sa iba pang mga karapatan ng mga bata.
Kaugnay nito ay idiniin din ni Castro ang kahalagahan ng pagsisiyasat sa mga batas na pumuprotekta at humahalili sa mga karapatan ng mga bata at kung anu-ano nga ba ang mga hakbang na maaaring gawin sa pagtugon sa naturang usapin.
Maliban dito ay binigyang-diin pa ni Castro ang importansya ng pagkakaroon ng mga guidance program at guidance counseling sa mga paaralan bilang pagtugon sa kalusugang pangkaisipan ng mga bata sapagkat nakakatulong ito na ipa-intindi sa mga bata ang nararanasan nilang pang-aabuso at ipabatid sa kanila ang kanilang mga karapatan kaugnay nito.