Isang panibagong pag-aaral mula sa ROSHI, isang fintech firm na nakabase sa Singapore, ang nagbunyag ng isang nakababahalang datos: ang mga Pilipino umano ang pinaka-hindi tapat pagdating sa pera sa buong Southeast Asia.
Ayon sa ulat, 47% ng mga Pilipinong kalahok sa survey ang hindi nagbibigay ng tumpak na impormasyon tungkol sa kanilang kalagayang pinansyal kabilang na rito ang kita, utang, at paggasta.
Nangangahulugan ito na halos kalahati ng mga Pilipino ay maaaring sinasadyang baguhin o itago ang tunay na estado ng kanilang pananalapi.
Lumalabas na marami sa mga Pilipino ang may labis na kumpiyansa sa kanilang kaalaman at kakayahan sa paghawak ng pera.
Sa kabila nito, ang sobrang tiwala ay maaaring magdulot ng maling desisyon sa pag-iinvest, labis na paggastos, at kawalan ng tamang plano sa pananalapi.
Dahil dito mas pinipili ng mga Pilipino ang kasalukuyang paggastos kaysa ang pag-iipon para sa hinaharap.
Isa itong indikasyon ng ugaling “bahala na,” na maaaring magdulot ng kakulangan sa pangmatagalang seguridad sa pera.
Tinukoy ng pag-aaral ang ilang posibleng dahilan ng kawalan ng katapatan sa pananalapi:
– matinding stress sa kabuhayan
– kakulangan sa edukasyong pinansyal
– at ang kulturang “face-saving” o ang pagnanais na panatilihing maganda ang imahe sa ibang tao, kahit nahihirapan na sa likod ng mga ito.
Ang mga nasa edad 21 hanggang 34 naman ang naitalang pinaka-hindi tapat pagdating sa pera, samantalang ang mga edad 50 hanggang 65 ang pinaka-tapat batay sa datos.
Ipinapakita ng pag-aaral na maraming Pilipino ang nahihirapang humarap sa tunay nilang kalagayang pinansyal isang sitwasyong pinalalala ng social pressure, kakulangan sa financial literacy, at kawalan ng tamang suporta mula sa mga institusyon.
Dahil dito, muling binibigyang-diin ang kahalagahan ng malawakang edukasyong pinansyal, mas inklusibong polisiya mula sa pamahalaan at pribadong sektor, at ang pagsasabay ng kulturang Pilipino sa mga positibong gawi sa pera tungo sa isang mas matatag at tapat na sistemang pinansyal.