Nakikipag usap na ang Pilipinas at Egypt para mapalawak ang kanilang ugnayang pangkalakalan, sa harap ng mga oportunidad na iniaalok ng kani-kanilang ekonomiya.
Ayon kay Trade Secretary Ma. Christina Roque, kabilang sa mga produkto na pinag-aaralan para sa kasunduang pangkalakalan ang produksiyon ng bulak sa Egypt.
Sinabi ni Roque na napakaliit lamang ng bahagi ng kalakalan ng Pilipinas sa Egypt sa kabuuang kalakalan ng bansa.
Aniya, isang delegasyon mula sa DTI ang nakatakdang magtungo sa Egypt noong nakaraang taon subalit hindi natuloy ang biyahe dahil sa ilang isyu.
Sa kamakailang post sa kanilang Facebook page, sinabi ng DTI na nakipagpulong si Roque kay Egyptian Ambassador H.E. Nader Zaki upang talakayin ang mga paghahanda para sa darating na pagbisita ni Egyptian Foreign Minister H.E. Dr. Badr Abdelatty at tumuklas ng mga oportunidad upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.









