Isinasagawa ng Clergy for Good Governance (CGG) ang Pilgrimage of Conscience sa labas ng Senado, dalawang araw bago ang pagsisimula ng impeachment trial vs VP Sara Duterte.

Ayon kay CGG Convenor, Fr. Robert Reyes, nahahati sa dalawang bahagi ang isinasagawang aktibidad, bilang bahagi ng pagbabantay para sa nalalapit na impeachment trial.

Ang unang bahagi aniya ay ang “Jericho Walk” na susundan ng “Exorcism” o pagpapalayas sa masamang espiritu na pamumunuan ng mga paring Katoliko.

--Ads--

Iikot ang grupo sa harap at kabilang bahagi ng Senado at gagamit sila ng asin,insenso, holy water at kandila na ginagamit sa pagpapalayas ng masamang espiritu.

Ang asin, ayon sa Catholic priest, ay sumisimbolo sa paglilinis ng isip, bibig at puso ng mga senador, habang ang insenso naman ay pampabango ng masangsang na paligid na pinabaho ng kasalanan at kasinungalingan.

Ginagamit naman ang holy water bilang simbolo ng buhay at paglilinis, para mabuhay muli at malinis muli ang mataas na kapulungan mula sa anumang isyu.