DAGUPAN CITY- Abot sa PHP 200,000 na halaga ng mga binhi ng gulay ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng Mangaldan ngayong araw ng miyerkules sa Municipal Wellness Center. Ang pamamahagi ng mga binhi ay layuning makatulong sa pagpapabuti ng produksyon ng high-value crops sa bayan.
Ang distribusyon ng mga binhi ay isinagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tanggapan ni Pangasinan Fourth District Representative at ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Mangaldan. Layon ng proyekto na itaguyod ang pagtatanim ng mga pananim na may mataas na halaga sa merkado, tulad ng gulay, na may potensyal na magbigay ng mas mataas na kita kumpara sa mga tradisyunal na pananim tulad ng palay at mais.
Ayon sa isang opisyal, mahalaga rin na magkaroon ng karagdagang kabuhayan ang mga magsasaka, tulad ng paggawa ng mga produkto mula sa kanilang mga pananim. Maaari din nilang gawing agri-tourism site ang kanilang mga sakahan upang magbigay ng dagdag na kita at makapagbahagi ng kaalaman tungkol sa agrikultura sa iba.
Samantala, nagbigay ng mensahe si Atty. Teodora Cerdan, Municipal Administrator, na nagpasalamat sa patuloy na suporta ng pamilya De Venecia sa Mangaldan. Kasama rin sa aktibidad ang iba pang mga lokal na opisyal at lider ng mga magsasaka sa bayan, na nagsabing magsisilbing tulay ang mga proyektong tulad nito upang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa Mangaldan.