Patay ang isang 46 anyos na photographer ang nalunod sa public beach ng barangay Patar sa Bolinao, Pangasinan.
Ayon kay PMaj. Leonard Zacarias ang hepe ng Bolinao PNP ang biktima ay kinilala na si Nilo Constantino na residente ng Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.
Nakatanggap umano ng tawag ang kanilang himpilan mula sa barangay Patar ukol sa insidente ng pagkalunod at dito napagalaman ng kapulisan na ang biktima ay nagpunta sa isang resort sa lugar kasama ang kaniyang pamilya at nakipaginuman bago ang insidente.
Kinaumagahan naman nito ay nagpunta sa beach ang biktima kasama ang kaniyang pamangkin at nagswimming ngunit bumalik naman sa cottage ang pamangkin nito.
Kinalaunan nang magpunta naman sa beach para maligo ang 12 anyos nitong pamangkin ay dito na natagpuan ang biktimang palutang lutang at nang hawakan niya ito para hilain ay wala nang malay ang biktima.
Nang humingi naman ng tulong ang pamangkin nito ay dinala na ang biktima sa Rillera Medical Hospital sa Brgy. Germinal, sa naturang bayan ngunit idineklara nang dead on arrival ng attending physician.
Dahil dito ay nagpaalala naman ang opisyal na huwag maligo sa malalim na bahagi lalo na kapag nakainom o hindi marunong lumangoy.
.