Makikiisa ang tanggapan ng Pangasinan Provincial Health Office sa panawagan ng isang doktor na itigil na ang pagsasagawa ng rapid test upang matukoy ang mga indibidwal na positibo sa coronavirus disease.
Ito ay matapos ihayag ni Dr. Ana York Bondoc, na isang pulmonary and critical care specialist na mali ang mga lumalabas na clinical test result sa mga isinasagawang pagsusuri.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Provincial Health Officer Dr. Anna Marie De Guzman, sinabi niya na sang-ayon siya sa pagpapatigil sa pagsasagawa ng rapid test sa mga mamamayan sa lalawigan dahil sa ilang ulat ng maling resulta nito.
Aniya, bago pa man pormal na inihayag ang nasabing impormasyon ay agad iniutos ng tanggapan ni governor Amado Espino III na tanging ang real time PCR test lamang ang gagamiting uri ng pagsususuri para malaman kung positibo sa COVID-19 ang mga kababayan nating sasailalim dito.
Matatandaang maski ang ibang mga bansa gaya na lamang ng Australia, Dubai, at Amerika, ay hindi na ipinapayong isagawa ang naturang pagsusuri dahil sa hindi magandang epekto nito.