Muling pinaalalahanan ng Pangasinan Provincial Health Office ang lahat ng mga pet owners dito sa probinsya na maging responsable sa lahat ng oras.

Ito’y upang mabawasan na umano ang pagkalat ng nakamamatay na rabies na nakukuha sa kagat ng mga hayop, gaya ng aso at pusa, at malimit na nambibiktima sa panahon ng tag-init.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dra Cielo Almoite, Tagapagsalita ng PHO Pangasinan sinabi nito na itinuturing ang rabies na isang “public health problem” dahil marami ang namamatay dahil dito sa pamamagitan lamang ng transmisyon.

--Ads--

Ngunit pwedi naman aniya itong mapigilan kung ang mga Brgy Officials pati na ang iba’t ibang LGUs ay magpapatupad ng ‘responsible pet ownership’ sa pamamagitan ng paghikayat sa mga pet owners na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso o pusa.

Paliwanag pa ng opisyal, dapat lang na pabakunahan ang mga ito mula sa

ikatlong buwan mula kapanganakan at taon taon pagkatapos nito.

Huwag rin umanong hayaang gumala ang mga alagang hayop sa kalsada at

alagaang mabuti ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaligo, pagbibigay ng malinis

na pagkain, at maayos na matutulugan.