Ipinaliwanag ng Provincial Health Office ang naging sanhi ng pagkakaroon ng kaso ng food poisoning sa ilang pamilya partikular na sa bayan sa Aguilar dito sa lalawigan ng Pangasinan matapos umanong kumain ng itlog maalat at kabote.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Ana Marie De Guzman, Provincial Health Office ng lalawigan ng Pangasinan, inihayag nito na madalas umano kung ang itlog na pula ay hindi maganda ang pagkakagawa ay posibleng makontamina lalo na kung may crack ang shell o kung hindi rin maayos ang pagkakaprepara bago kainin.
Paliwanag ni Dr. De Guzman, ang itlog umano ay madaling kapitan ng salmonela bacteria na isa sa mga sanhi ng food poinsoning sa pagkain ng mga itlog.
Samantalang ang mga pasyenteng nakakain umano ng kabote ay maaring nakakain ng isang uri nito na nagtataglay ng Muscarine, na matatagpuan sa mga nakakalasong mga kabote. Ngunit aniya, mababa ang mortality rate lalo na kung ito ay maagang naagapan at nasusulusyunan ang mga pangunahing sintomas nito gaya na lamang ng pagkahilo, pagsusuka, at dehydration.
Dagdag pa ng naturang opisyal, mas maiging maitakbo ang mga pasyente nakakaranas ng mga nabanggit na sintomas sa ospital upang agad na malapatan ng karampatang lunas upang hindi na umano ito lumala.
Nauna na rito nang isugod sa pagamutan ang limang miyembro ng mag-anak sa bayan ng Aguilar matapos umanong kumain ng itlog maalat na pinaniniwalaan nilang naging dahilan kung bakit nakaranas ang mga ito ng sintomas ng food poisoning.
Binili umano ang nila ang limang itlog maalat sa kanilang kapitbahay nang hapon ngunit kinaumagahan nang kanila itong kainain . Makalipas ang isang oras ay nakaranas na ng pagsusuka ang mag-anak na sina Nesita Tamisa 65 anyos, Cresencio Palitec, Maricel Sudio, Princess Sudio na 8 anyos at Miles Sudio 4 na taong gulang dahilan upang sila ay dalhin sa ospital.
Samantala tatlong miyembro ng pamilya sa Brgy. Manlocboc sa nabanggit ding bayan ang isinugod sa pagamutan matapos umanong kumain ng kabote kung saan nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang padre de pamilya na si Ferdinand Fernandez at mga anak nitong sina Francine at Francis matapos kumain ng kabote na napulot lamang nila na siya namang inihalo umano nila sa ibang gulay.