LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kumakalat na ulat na nagkaroon umano ng side vent ang Bulkang Mayon kasunod ng mga aktibidad nito sa nakalipas na mga araw.

Nagdulot ng pangamba sa publiko ang balitang may bagong labasan ng volcanic materials, ngunit ayon kay Doreen Abelinde, Officer-in-Charge ng Mayon Volcano Observatory, imposible itong mangyari dahil ang lava ay lumalabas lamang mula sa crater.

Ipinaliwanag niya na ash plume lamang ang naitala at hindi side vent, maliban na lang kung may major event na makasisira sa structural integrity ng bulkan.

--Ads--

Dagdag pa ng opisyal, ang nakitang ash plume ay mula sa Bonga gully kung saan nagkaroon ng pyroclastic density current matapos mag-collapse ang dumadaloy na lava.

Habang umaabante ang lava, ito ay tumitigas at nagkakaroon ng crack, dahilan ng mga obserbasyong nagdulot ng maling interpretasyon sa publiko. Via Bombo Dennis Jamito