Ibinahagi ng Philippine Nurses Association Region 1 ang kanilang isasagawang aktibidad kaugnay sa selebrasyon ng Certified Nurses Week ngayong buwan ng Marso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PNA Region 1 Governor Zenaida Joy Bautista, kabilang sa kanilang nais na idulong sa pagdiriwang ng naturang selebrasyon ay ang walang tigil na sentimyento ng mga nurses ukol sa mababang umento at less privileges na ibinibigay umano sa mga ito.
Dahil dito aniya ay marami sa mga naturang manggagawa ang nais na lamang magtrabaho sa ibayong dagat.
Sa tuwing nagkakaroon aniya ng pagpupulong ang mga board of Governors ay patuloy nilang ipinaglalaban ang karapatang ito kung saan ipinapaabot ng kanilang National President ang lahat ng mga departamento kabilang na ang Department of Finance, Department of Labor and Employment at lahat ng sangay na may kinalaman sa mga nurses.
Dagdag pa nito na bagaman hindi niya alintana ang maliit na pasweldo dahil gusto niya ang kaniyang ginagawang paglilingkod sa ginagalang propesyon, naiintindihan niya ang sentimyento ng ilan sa mga kapwa niya nurses.
Samantala pagbabahagi pa nito na mas marami na ang bilang ng mga batang nurses sa kasalukuyan kumpara sa may mga edad na.
Magkakaroon din aniya sila ng selection ng Miss Philippine Nurses Association bilang dagdag sa kanilang entertainment sa pagseselebra ng Certified Nurses Week.
Sa kasalukuyan aniya ay nagkaroon na ng pagpupulong ang kanilang hanay upang magsagawa sana ng medical mission part 2 sa bayan ng Mangaldan ngunit nagkulang umano sila ng permit na siyang dahilan ng pagka-antala nito.