Nanawagan ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na makiisa sa pagpaparami at pagtatanim ng niyog sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga coconut demonstration farms bilang hakbang upang mapalawak ang industriya ng niyog sa bansa.
Ayon kay Regional Manager Mark Roy Macanlalay ng PCA North Luzon, handa ang ahensiya na maglaan ng mga de-kalidad na coconut seedlings at technical assistance sa mga LGU na may dalawa hanggang tatlong ektaryang lupang maaaring ilaan bilang taniman ng niyog.
Aniya, ang naturang mga taniman ay maaaring magsilbing pangmatagalang investment ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa lumalawak na agri-tourism, at maaari ring maging pinagkukunan ng mga planting materials sa mga susunod na taon.
Bagama’t may sapat na pondo ang PCA para sa programa, sinabi ni Macanlalay na nananatiling hamon ang paghikayat sa mga magsasaka na magtanim ng niyog dahil mas nakasanayan nilang magtanim ng short-duration at high-value crops tulad ng palay at mais.
Nilinaw naman niya na hindi kailangang hintayin ang pito hanggang walong taon bago mapakinabangan ang niyog kung maayos na napapamahalaan ang taniman. Aniya, sa tamang pangangalaga, maaari nang mamulaklak ang mga puno sa ikaapat na taon at magsimulang mamunga at ma-harvest sa ikalimang taon.
Isa rin sa mga hamong kinakaharap ng programa ang matinding init ng panahon na nagiging sanhi ng pagkamatay ng maraming punla tuwing tag-araw. Dagdag pa niya, may mga pagkakataong napapabayaan ang mga itinanim at kinakain ng mga hayop.
Sa kabila nito, iginiit ni Macanlaay na mahalagang simulan na ngayon ang pagpapalawak ng pagtatanim ng niyog sa halip na manghinayang sa haba ng panahon bago ito magbunga.
Aniya, kung laging iisipin kung kailan pa ito mapapakinabangan, kailan ito uumpisahan, sayang ang panahong lumilipas kung kayat hinihikayat nito ang mga LGU at iba pang sektor na makiisa sa pagpapalakas ng industriya ng niyog.










