Nagpapatuloy ang recruitment ng Philippine Army para sa mga kabataang nagnanais maging bahagi ng kanilang hanay.

Ayon kay Sgt. Jessie Sumibcay, Recruitment NCO for Luzon ng Personnel Management Center – Army Recruitment Office sa Taguig City, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inaanyayahan ang mga interesadong kabataan na mag apply sa isasagawang Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT) mula May 25 hanggang 28 sa University of Eastern Pangasinan – Binalonan Campus.

Dalawang kurso ang inaalok ng Philippine Army: ang Officer Candidate Course para sa mga nagtapos ng anumang apat na taong kurso sa kolehiyo, at ang Candidate Soldier Course para sa mga nagtapos ng K-12, college level, o undergraduate.

--Ads--

Kabilang sa mga kwalipikasyon ang pagiging natural-born Filipino, may taas na hindi bababa sa 5 talampakan, pisikal at mental na fit, edad na 20 hanggang hindi lalampas ng 27 taong gulang, at walang kinahaharap na kaso. Para sa Officer Candidate Course, kinakailangang graduate ng apat na taong kurso.

Pinapayuhan din ang mga aplikante na maghanda ng mga kinakailangang dokumento tulad ng original na college diploma, transcript of records, PSA birth certificate, at anumang valid government ID.

Iginiit ni Sumibcay na ang pagsali sa isang institusyon ng pamahalaan gaya ng Philippine Army ay maaaring magbukas ng oportunidad at makapagpabago ng buhay ng isang indibidwal.

Samantala, hindi na kinakailangang magtungo pa sa pangunahing tanggapan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City para kumuha ng pagsusulit, dahil inilalapit na ng ahensya ang recruitment process sa iba’t ibang probinsya sa pamamagitan ng kanilang website na “Join the Army.”