DAGUPAN CITY– Tiniyak ng Philhealth Region I na hindi mga importanteng dokumento ang nabasa matapos na magkaroon ng “water leak” sa sakanilang gusali na sinasabing ginawang motibo para pagtakpan ang ilang isyu na kinasasangkutang ng kanilang ahensiya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Edward Espiritu , Administrative Officer IV ng Philhealth Region I ang mga nabasang papel ay mga forms lamang at mga current files taliwas sa sinasabi na mga claim forms ang naapektuhan ng naturang pangyayari.

Giit pa nito na ang mga mahahalagang dokumento ng kanilang ahensiya ay nakafile ng maayos sa mga cabinet.

--Ads--

Nagpaliwanag naman ito sa nangyaring pagtulo sa kanilang gusali nang makaranas ng malakas na buhos ng ulan dito sa siyudad ng Dagupan noong August 19.

Nagkaroon ng overflow sa gutter ng gusali dahil sa lakas at dami ng buhos ng ulan.

Agad naman aniya itong naipakita sa may-ari ng nirerentahan nilang gusali at sa ngayon ay nagsasagawa na ng construction dito.

Nilinaw din nito na dalawang silid lamang ng kanilang gusali ang naapektuhan ng “water leak”.

Una rito, sinabi sa Bombo Radyo ni Atty. Thorsson Montes Keith na maaaring may nagtatangkang magtago ng katotohanan para isalba ang mga sangkot sa katiwalian.

Kaya sa sariling expose daw niya ay tiniyak na nitong protektado ang mga hawak niyang ebidensya para hindi na maisobotahe ng mga tiwali sa loob ng naturang opisina.