Dagupan City – Binigyang-diin ng Philippine Guidance and Counseling Association (PGCA) Pangasinan Chapter ngayong Suicide Awareness/Prevention Month ang kahalagahan ng maagang pagtukoy sa mga posibleng senyales ng suicidal thoughts o behavior, partikular sa mga kabataan.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Beverly Fernandez, Presidente ng PGCA Pangasinan Chapter, na walang iisang dahilan kung bakit maaaring makaranas ang isang indibidwal ng matinding mental health crisis.
Ayon kay Fernandez, maaaring kombinasyon ito ng personal, biological at social factors, kabilang ang kalidad ng tulog, pagkakaroon ng pisikal na karamdaman, academic demands, social relationships, at antas ng resilience o kakayahan ng isang tao na harapin ang mga problema.
Binanggit ni Fernandez ang kahalagahan ng psychological assessment sa mga paaralan upang maaga na matukoy ang mga estudyanteng maaaring nangangailangan ng psychological support.
Aniya, mayroon silang psychological assessment program sa kanilang institusyon bilang bahagi ng pagtukoy sa mga posibleng concern ng mga estudyante.
Kapag may natukoy na nangangailangan ng intervention, isinasagawa ang counseling, kabilang ang one-on-one counseling.
Para naman sa mga paaralang walang psychological assessment program, hinikayat ni Fernandez ang mga guro, magulang at iba pang miyembro ng school community na maging mapagmatyag sa mga posibleng warning signs.
Kabilang dito ang bigla o matinding pagbabago sa mood at behavior, pakiramdam ng hopelessness, pagkawala ng gana sa mga dating kinagigiliwan, at pag-iwas o pag-isolate sa ibang tao.
Maaari rin umanong maging posibleng senyales ang pamimigay ng mga bagay na mahalaga sa isang tao o tila pag-aayos ng kaniyang mga personal na gawain, kabilang ang paghahabilin para sa kaniyang mga alagang hayop o personal na koleksiyon.
Maging ang mga pahayag na tila biro lamang tungkol sa pagkawala o pagsuko ay hindi umano dapat ipagsawalang-bahala.
Gayunman, nilinaw ni Fernandez na ang mga nabanggit ay mga posibleng senyales lamang at hindi nangangahulugang awtomatikong may suicidal intent ang isang tao.
Maaari rin umanong maging risk factor ang pagkakalantad sa trauma, pagkawala ng isang mahal sa buhay, o pagkakaroon ng kaibigan, kapamilya o kakilalang nasawi dahil dito.
Samantala, sinabi ni Fernandez na mas marami ang naitatalang suicide attempts sa mga kababaihan, habang mas marami naman ang nasasawi dahil dito sa mga kalalakihan, partikular sa edad na 19 hanggang 35.
Ipinaliwanag niya na isa sa mga dahilan nito ay ang paggamit ng mas lethal na paraan.
Dahil dito, iginiit ni Fernandez na kailangang seryosohin ang anumang posibleng senyales at huwag hintaying lumala ang sitwasyon bago kumilos.
Hinikayat niya ang mga guro na maging proactive at agad na i-refer sa mga mental health practitioners, guidance counselors at psychologists ang mga estudyanteng nagpapakita ng mga nakababahalang pagbabago sa kilos o pananalita upang mabigyan ng tamang assessment at intervention.
Dagdag pa nito na hindi lamang guidance counselors ang may responsibilidad sa suicide prevention.
Mahalaga rin umano ang papel ng pamilya, mga kaibigan, guro at iba pang taong malapit sa isang indibidwal na maaaring nakararanas ng matinding problema sa mental health.
Sa pamamagitan ng maagang pagkilala sa mga posibleng senyales, tamang referral at agarang intervention, layunin ng PGCA Pangasinan na makatulong na maiwasang lumala ang sitwasyon at maprotektahan ang mga indibidwal na nangangailangan ng suporta.










