Kinumpirma ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) na may naitalang mga kaso ng pagdami ng pesteng tinatawag na “baboy-baboy” na nakaapekto sa ilang palaisdaan ng bangus sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Cristopher Aldo Sibayan, pangulo ng SAMAPA, na may mga naiulat nang insidente ng pagkamatay ng ilang alagang bangus dahil sa naturang peste.
Gayunman, tiniyak niyang patuloy na binabantayan ng samahan ang sitwasyon at nagbibigay ng agarang teknikal na tulong sa mga apektadong fishpond operators.
Ayon kay Sibayan, ang “baboy-baboy” ay isang uri ng insekto na karaniwang matatagpuan sa mga lugar na may nabubulok na shellfish tulad ng talaba at iba pang kabibe. Kapag dumami ang populasyon nito, maaari itong lumipat sa mga alagang bangus at magdulot ng pagkamatay ng mga isda.
Aniya, mas mabilis dumami ang naturang peste kapag mainit ang panahon, mataas ang alat ng tubig, at kakaunti ang pag-ulan.
Bukod sa “baboy-baboy,” sinabi rin ni Sibayan na ang matagal na tagtuyot at mataas na salinity ng tubig ay nagdudulot ng stress sa mga bangus.
Nagkakaroon umano ng pamumula o discoloration sa kaliskis ng isda dahil sa sobrang alat ng tubig, kaya mahalaga ang pag-ulan upang mabawasan ang konsentrasyon ng asin at iba pang impurities sa mga palaisdaan.
Sa kabila ng ilang insidente ng fish mortality, tiniyak ng SAMAPA na hindi maaapektuhan ang suplay ng bangus sa Pangasinan.
Ayon kay Sibayan, may sapat na suplay ng fry at fingerlings na maaaring ipalit sa mga nawalang stocks at nananatiling maaasahan ang merkado para sa mga magbabangus.
Positibo rin ang SAMAPA sa planong pagtatayo ng mga mega hatchery sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay Sibayan, makatutulong ito upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na fry mula sa Indonesia at mapalakas ang lokal na produksyon ng bangus.










