Dagupan City – Ipinaliwanag ng Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Pangasinan kung paano nga ba ang legal na pagputol ng puno sa lalawigan.

Ayon kay Forester Raymond A. Rivera, PENRO Officer- Department of Environment and Natural Resources DENR – Pangasinan, mahalaga ang pagkuha ng kaukulang permit bago magputol ng puno, kahit pa ito ay nasa loob ng pribadong lupa.

Sinabi ni Rivera na alinsunod sa Presidential Decree No. 705, s. 1975 o ang Revised Forestry Code of the Philippine, ang sinumang magpuputol ng puno nang walang pahintulot ay maaaring mapatawan ng kaukulang parusa. Layunin ng batas na ito na mapangalagaan ang kagubatan at kalikasan ng bansa.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Rivera na may mga pagkakataon na kahit ayaw pang putulin ang puno, ay napipilitan silang putulin ito dahil na rin sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno, tulad ng pagpapalawak ng mga kalsada na sakop ng mga priority programs ng pamahalaan.

Ang mga proyektong ito ay isinasagawa sa koordinasyon ng mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Energy (DOE).

Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, patuloy na hinihikayat ng DENR-Pangasinan ang publiko na suportahan ang mga programa para sa reforestation upang mapanatili ang balanseng kalikasan habang sinusuportahan ang pag-unlad ng bansa.