Nakatuklas ng panibagong ebedinsya ang mga otoridad sa pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Bugallon,
Pangasinan na una ng sinalakay ng mga operatiba ng NBI Dagupan at BIR– Desyembre noong nakaraang taon.
Muling tinungo ng Bombo Radyo Dagupan Team ang ‘factory’ o lugar kung saan nasabat ang bilyon-bilyong halaga ng pekeng sigarilyo at dito ay personal na naabutan ang ilang mga ‘BIR personnel’ na isa-isang hinahakot ang mga naiwan pang kontrabando tulad na lamang ng malalaking makina na ginagamit sa paggawa at packaging ng pekeng sigarilyo.
Kabilang din sa nakompiska ang isang malaking ‘close van truck’ na pinaniniwalaang ginagamit pang-deliver ng mga pekeng produkto na dinadala at ibinebenta sa ibat ibang bayan ng Region 1,2, 3 at Metro Manila.
Sa kasagsagan naman ng inventory, natuklasan ng mga otoridad ang isang pekeng ‘inter revenue stamp’ ng BIR. Nangangahulugan ito na hindi lamang sa Pilipinas umiikot ang negosyo ng pekeng sigarilyo bagkus ay na-export o nadala na rin ito sa ibang bansa.
Kung matatandaan, sa unang raid na isinagawa ng mga kinauukulan ay kanila ng nakumpiska ang multi-milyong halaga ng pekeng BIR tax stamps, bulto ng filter ng sigarilyo, tatlong unit ng packing machines, 24 na filter rods, 134 sako ng cut filters, rolyo ng foil, at cigarette papers. with reports from Bombo Framy Sabado