DAGUPAN, CITY— Tinututukan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga bayan at siyudad na nasa central Pangasinan dahil sa posibleng pagbaha dulot ng pag-ulan na hatid ng Tropical Depression Butchoy.
Ilan sa mga bayan at lungsod na maaapektuhan ay ang Dagupan City, Calasiao, Malasiqui, San Carlos, at Bayambang dahil malalapit ang mga lugar na ito sa ilog at madalas na binabaha.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Keevien Del Rosario, Weather and River Monitoring staff ng PDRRMO Pangasinan, sinabi nito na maigting nilang tinututukan ang mga lugar dito sa probinsya kung saan ay madalas bahain dahil kabilang ito sa low-lying areas.
Nabatid din niya na nananatili namang nakahanda ang mga sasakyan at manpower ng kanilang tanggapan kung sakaling kailanganin ng mga maaapektuhang mga residente.
Aniya, mayroon ding mga pansamantalang mga evacuation areas sa Provincial Capitol at patuloy na nakikipag ugnayan ang nasabing ahensiya sa iba pang lokal na pamahalaan para sa karagdagang mga evacuation centers.
Sa ngayon ay nakataas pa rin sa signal number 1 ang Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan dahil lakas ng hangin.
Ang naturang bagyo ay inaasahang magdadala lamang ng light to moderate rains sa lalawigan at hindi na inaasahang lalakas pa ang epekto nito sa probinsya.
Dagdag pa ni Del Rosario, inaasahan ang pagganda ng panahon sa linggo dahil hanggang sabado lamang ang nararanasang pag-ulan sa probinsya.