Patuloy ang paalala ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na manatiling alerto sa mga opisyal na ulat panahon at safety advisories habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat sa lalawigan.


Ayon kay Pia Navata Flores, Emergency Operations Center Supervisor ng Pangasinan PDRRMO, mahalagang sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, lalo na kung kinakailangan ang pre-emptive evacuation. Hinikayat din ang mga mangingisda na maging maingat dahil posible pa rin ang pag-ulan at pabago-bagong kondisyon sa karagatan.


Samantala, iniulat ni Kimpee Jayson Cruz, Lingayen LDRRMO III, na nakapagsagawa na ng assistance ang Municipal Social Welfare and Development Office sa mga pamilyang nasa designated evacuation centers alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan.

--Ads--


Pinayuhan naman ang mga residente ng Lingayen na manatili muna sa ligtas na lugar at iwasang lumusong sa baha upang maiwasan ang mga sakit gaya ng leptospirosis at dengue. Hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan agad sa Lingayen LDRRMO para sa anumang emergency o pangangailangan ng tulong.