DAGUPAN CITY- Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Council Meeting ngayong taon bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga banta ng matinding init ng panahon at paghahanda sa nalalapit na Semana Santa sa lalawigan ng Pangasinan.
Layunin ng pagpupulong na tiyakin ang kaligtasan at kahandaan ng lalawigan sa harap ng umiiral na El Niño phenomenon at inaasahang pagdagsa ng mga deboto at turista ngayong panahon ng Semana Santa.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang kahandaan ng Response Cluster na kinabibilangan ng iba’t ibang tanggapan mula sa pamahalaang panlalawigan, mga ahensyang pambansa, at iba pang katuwang na institusyon.
Pinalakas din ang koordinasyon sa mga local government units (LGUs) upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang uri ng sakuna o emergency.
Sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng lahat ng miyembro ng PDRRMC, nananatiling pangunahing layunin ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan, kapakanan, at kahandaan ng bawat mamamayan ng Pangasinan.