Patuloy ang pagsusumikap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I upang makamit ang layuning maging drug-free ang lahat ng barangay sa Ilocos Region.

Ayon kay Atty. Benjamin Gaspi, Regional Director ng ahensya, bagama’t minimithi ng PDEA na maging drug-cleared ang lahat ng barangay, hindi ito isang gawaing kayang isakatuparan ng PDEA lamang.

Bagkus nakasalalay ito sa mahigpit na koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies at sa aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Atty. Gaspi ang kaibahan ng mga terminong “drug-free” at “drug-cleared.”

Ayon sa kanya, ang barangay na itinuturing na drug-free ay kailanman ay hindi na-expose o naitalang kaso na may kinalaman sa ilegal na droga.

Samantalang ang drug-cleared na barangay ay iyong dating may presensya ng droga ngunit nakapagsagawa na ng kinakailangang proseso upang linisin ang lugar mula sa impluwensya nito.

Dagdag pa rito, kailangang lahat ng barangay sa isang lungsod o munisipalidad ay drug-cleared muna bago ito makapagsumite para sa city o municipal drug clearing program.

Gayundin, ang isang lalawigan ay maaari lamang ideklarang drug-cleared kung lahat ng lungsod at bayan nito ay pasado sa pamantayan.

Sa kabila nito, sinabi ni Atty. Gaspi na hindi imposibleng mapanatili ang estado ng pagiging drug-cleared ng isang barangay.

Lalo na’t hindi naman ito mahirap kung tuloy-tuloy ang programa sa drug reduction at epektibong kontrol sa mga aktibidad ng droga.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ng PDEA Region I ang tagumpay ng kanilang sunod-sunod na anti-drug operations kung saan isa sa pinakamalaking operasyon kamakailan ay isinagawa sa lalawigan ng Ilocos Sur, kung saan nasamsam ang humigit-kumulang 200,000 piraso ng tanim na marijuana at 1,000 piraso ng marijuana seedlings.

Ayon sa ulat, matagumpay na naisagawa ang operasyon sa tulong ng komunidad kaya’t kapag may natatanggap silang report mula sa mga residente, ay kaagad itong inaaksyunan.

Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na may mga kaso ng menor de edad na nasasangkot sa ilegal na droga, ngunit iginiit na ito ay mga isolated cases lamang.

Kadalasan aniya, ginagamit lamang ang mga kabataan ng mas malalaking sindikato.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Atty. Gaspi na “hindi basehan ang edad sa paggawa ng krimen.

Nanawagan naman ito sa publiko na makipagtulungan sa kampanya kontra droga dahil ang tagumpay laban sa droga ay hindi lamang nakasalalay sa PDEA, kundi sa ating lahat – mula sa mga barangay opisyal, LGUs, law enforcement, at higit sa lahat, ang komunidad.