DAGUPAN CITY — Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius M. Paderes, Regional Director II ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I, iginiit niyang patuloy na paiigtingin ng kanilang tanggapan ang kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.

Batay umano sa tala ng PDEA, nananatiling pangunahing suliranin ang paggamit ng methamphetamine o shabu, na siyang itinuturing na pinakatalamak na inaabusong droga sa buong Region I. Sa kabuuan ng rehiyon, ang lalawigan ng Pangasinan ang may pinakamaraming kaso ng drug abuse. Ayon kay Paderes, maaaring dulot ito ng malawak na sakop ng lalawigan at mas malaking populasyon, na nagreresulta sa pagdami rin ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa kanyang panunungkulan bilang Regional Director, tiniyak ni Paderes na magpapatuloy ang mga programa laban sa ilegal na droga upang tuluyang masugpo ang paglaganap nito. Kabilang dito ang mas pinaigting na hakbang sa supply and demand reduct, pagpapatupad ng harm reduction, at pagpapalakas ng ugnayan at pakikipag-ugnayan sa komunidad sa pamamagitan ng mas makataong pamamaraan.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na sa pagtingin sa drug addiction bilang isang isyung pangkalusugan, mas paiiralin ng PDEA ang makatao at mas maunawaing paglapit sa mga apektado.

Dagdag pa ni Paderes, nananatiling oen step ahead ang mga awtoridad pagdating sa mga bagong paraan ng pagtatago at paggamit ng ilegal na droga. Patuloy aniya ang kanilang masusing pagmamanman upang matiyak ang maagap at epektibong pagpuksa sa ilegal na droga sa buong rehiyon.

Ibinahagi rin niya na nagtalaga sila ng mas maraming tauhan sa mga baybaying-dagat ng rehiyon at nakikipag-ugnayan hindi lamang sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kundi pati sa mga miyembro ng komunidad, kabilang ang mga mangingisda, upang masiguro ang mahigpit na pagbabantay laban sa pagpasok at paglipat ng ilegal na droga.

Sa huli, nanawagan si Paderes sa mamamayan na magkaisa sa laban kontra ilegal na droga. Aniya, walang anumang mabuting dulot ang droga; ito’y nagdudulot lamang ng kapahamakan sa gumagamit at sa mga taong nasa paligid nito.

Ang laban na ito, aniya, ay hindi lamang laban ng PDEA kundi laban ng buong komunidad na dapat sama-samang pagtagumpayan.