Muling nagpaalala si Atty. Benjamin Gaspi, Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I, na mahigpit na ipatutupad ang Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at walang sinuman ang makaliligtas sa pananagutan kung mapatunayang sangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay Gaspi, kabilang sa kanilang binabantayan ang ilang indibidwal na dati nang kinilalang “bayaning mangingisda” matapos mag-turnover ng floating shabu na natagpuan sa karagatan ng Pangasinan.

Ngunit lumalabas umano sa imbestigasyon na hindi lahat ng nakakuha ng naturang kontrabando ay isinuko sa mga awtoridad.

--Ads--

Ito ay matapos nahuli ang isang mangingisda na dating nagsurrender ng ilang pakete ng floating shabu sa bayan ng Agno matapos magsagawa ng Drug Buy Bust operation ang Provincial Drug Enforcement Group Special Operation Unit 1 katuwang ang ilan pang mga law enforcement agency.

Aniya patuloy ang masusing imbestigasyon ng PDEA upang matukoy kung sino pa ang maaaring nagtatago pa ng natitirang kontrabando.

Dahil dito naniniwala siyang may indikasyon na may ilan pang itinago, at posibleng inilibing o itinago sa baybayin ng dagat.

Pinabulaanan din ng opisyal ang pahayag ng ilan na ang kahirapan ang nagtutulak sa kanila na ibenta ang naturang droga.

Giit niya, walang sapat na kaalaman ang karamihan sa mangingisdang ito para tumakbo bilang runner, courier, o magkaroon ng parokyanong bibili ng droga.

Dahil dito, nanawagan ang PDEA Region I sa sinumang nakakuha o nakahawak ng floating shabu na boluntaryong sumuko bago pa man sila mahuli at makasuhan.